CLICK HERE FOR BLOGGER TEMPLATES AND MYSPACE LAYOUTS »

Monday, September 7, 2009

Offer

Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Hindi iisang beses ko lang pinag-isipan ang bagay na ito subalit bakit parang gusto kong kastiguhin ang sarili ko kung bakit andito ako ngayon at malayo sa aking pangarap. Pero paano ko rin naman nga kasi maabot yung pangarap ko kung hirap na hirap ako sa pagpasok sa mundong yun. At dahil batong-bato na ako sa siyudad at bored na sa ingay na ako mismo ang lumilikha, naisipan ko na umuwi muna sa probinsya habang tambak ang mga pending applications ko sa kung anu-anung trabaho na related sa mundong nais kong pasukin.

Noong kabataan ko pa, pinangarap ko na magkaroon ng mundo sa lugar na ito. Dito ko pinangarap na mabuhay habang may lakas pa ako at ipinangako sa sarili na bago ko libutin ang buong Pilipinas at ang buong mundo, aalamin ko muna ang kwento ng Tayabas, ang kwento ng Quezon sa sarili kong paraan subalit ngayon, mukhang nahalina na ako ng magagandang street lights sa Maynila at unti-unti ay nawala ang paghahangad na makilala ang bayang pinagmulan ko. Napuno ako ng kagustuhan na marating ang pwedeng hindi marating ng iba at ngayon, bigo akong bumalik at nagtatago sa apat na sulok ng silid na ito, sa lugar na minsan kong tinawag na “Haven”, paraiso at ang lugar kung saan ay binuo ko ang mga pangarap ko.

Bukod sa peace of mind, ano pa ba ang ma-i-o-offer ng lugar na ito sa akin? Ano pa nga ba ang ma-i-i-bargain ng Tayabas sa akin, sa buhay kong nakasentro sa siyudad nang Maynila, sa magulong mundo ng publication na matagal kong pinangarap?

Mahirap isipin ang sagot sa tanong ko. Hindi madaling hanapin ang kasagutan sa katanungan na halos buong buhay ko na yatang itinatanong sa sarili ko habang ang tadhana, masayang nilalaro ang pangarap ko. Oo, masaya ako sa kung saan man ako naroroon ngayon, mahal ko ang Tayabas at hindi nga ba, minsan sa buhay ko ay pinangarap ko na magiging tagapagtanggol ako ng lugar na ito habang ipinapangalandakan sa buong mundo ang buong kagandahang nalilihim sa kanila na matatagpuan nila sa bayang ito. Ngunit iba na ang sitwasyon ngayon. Nakatapos na ako ng kolehiyo at nakikidagdag sa populasyon ng mga walang trabaho sa bansang ito. Nagsikap ako ng apat na taon para makapasok sa mundong pinapangarap ko. Hindi ko na nakikita ang sarili ko na nasa bayang ito pero ang tadhana, dito pa ako binigyan ng trabaho. Trabahong hindi ko pinangarap pero gagawin ko dahil panahon na para matuto akong tumayo sa sarili kong paa at bumuo ng sarili kong buhay,

Gusto kong mainis pero wala ring patutunguhan. Anuman ang gawin ko, sa bandang huli, tatanggapin ko pa rin ang minimum wage basta lang masabi na may trabaho ako kahit nga ba nakakapagod ang maghapong pakikipagtitigan sa computer at pagbabakasakali na merong ibang pwedeng malipatan na trabaho na aangkop sa kursong natapos ko at maghahatid sa akin sa mga pangarap ko. Nakakaloko talaga ang tadhana dahil kahit ang dream job ko sa bayang ito ay hindi ko makuha. Aanhin ko pa ngayon ang award na “Most Outstanding Journalism Student Leader” kung hindi naman pala yun mahalaga sa mundong gusto kong pasukin. Naisip ko tuloy, wala ba akong natutunan sa apat na taon kong pagdadalubhasa sa pagsulat?

Nakakapagod nang habulin ang tumatakbo kong panagarap pero ayaw ko pang sumuko. Baka naman bukas o sa ibang araw swertehin ako at biglang maawa ang tadhana sa akin, matisod ako at matumba sa mundong pinapangarap ko. Desperado na ako pero hindi ako titigil at sa bandang huli, gaya ng sinabi ni Jam noong nakaraang gabi, may dahilan kung bakit dito ako nagkatrabaho at hindi sa mundong apat na taon kong niyakap. Kunsabagay, mas mahaba ang labing-isang taong pagtanggap sa akin ng Tayabas kumpara sa apat na taong pagsusumiksik ko sa Maynila. Meron pa akong pag-asa, bata pa ako at isa sa mga susunod na araw, makakapasok din ako sa mundong yun.

0 comments: