CLICK HERE FOR BLOGGER TEMPLATES AND MYSPACE LAYOUTS »

Friday, November 13, 2009

Secret Kahon

Gaano nga ba kadalas masaktan ang tao? Gaano din ba katapang ang tao para harapin bawat sakit na nararamdaman nila? Gaano ba katotoo ang reyalidad ng tao? May hangganan ba ito o minsan eh tuloy tuloy lang? Paulit-ulit?

Minsan sa buhay ko, nasaktan ako at nagsayang ng napakahabang panahon para lang paikutin ang mundo sa isang tao na tila hindi napansin na parte din pala ako ng mundong ginagalawan nya. Madalas kapag naaalala ko ang parteng yun ng buhay ko, natatawa ako na ewan. Hindi ko alam kung maiinis ba ako sa sarili ko o uunawain ko ang lahat ng katangahan ko dahil bata pa ako ng mga panahon na yun. Pero diba nga, lahat ng tao naging tanga minsan sa buhay nila. Nagkataon lang na nung naging tanga ako, mas pinili ko ang tanggapin ang sitwasyong kinalalagyan ko kaysa naman gumawa ng paraan para makaahon sa pagkakalunod ko. Hinayaan ko na lamunin ako ng isang kumunoy habag meron naman nagnais na abutan ako ng makakapitan.

Kapag umuuwi ako sa Tayabas, lagi kong tinitignan ang “secret kahon” ko at sa tuwing binubuksan ko yon, naaalala ko na natuto akong magmahal sa napakabatang edad. Sinong maniniwala na nakilala ko ang isa sa mga prince charming ko sa edad na labindalawa? Syempre wala pero totoo. Sa edad na labindalawa, nakilala ko ang lalaking naging dahilan ng maaga kong pagkamulat sa takbo ng mundo. Pwedeng sabihin ng ibang tao na napakalandi ko naman pero yung ang totoo at ang inakala kong prinsipe ang nagpaintindi sa akin na hindi perpekto ang mundo. Hindi totoo ang fairytale. Wala talagang Cinderella, Snow White at Sleeping Beauty.

Bata pa ako noong nakilala ko s’ya at nagustuhan ko kung paano nya dalhin ang sarili nya at kung paano nya harapin ang kasikatan nya sa paaralang pinapasukan nya. First year high school lang kami noon at magkaiba ang mundong kinabibilangan. Pwede kong sabihin na prinsesa ako pero hindi ang tipo ng prinsesa na mahal ng lahat. Hindi rin ako yung prinsesang sikat. Ordinaryong prinsesa lang ako sa mundong kinabibilangan ko at madalas, hindi rin naman ako napapansin. Sa paglabas ko sa palasyong kinabibilangan ko, mas lalo lang akong nagiging ordinaryo at hindi nyo ako masisisi kung may isang lalaki na lumapit sa akin at iparamdam na higit pa ako sa ordinaryo.
Noong una naman magkaibigan lang kami hanggang sa nagbago ang lahat at biglang gusto na nya akong ligawan. Ilusyonada nga siguro kasi ako na magiging maayos ang relasyon namin at naisip ko na posible naman nga kasi na maging higit pa ako sa ordinaryo. Kung paanong nagawa kong paikutin ang mundo ko sa kanya sa loob ng dalawang taon, hindi ko masasagot. Ang nasisiguro ko lang, sa loob ng dalawang taon na yun, madalang akong maging masaya. Dalawang taon na nasaksihan ng “secret kahon” at sa tuwing nasa mood ako na buksan ang kahon na yun, napakaraming sulat ang nabubungaran ko, mga sulat para sa kanya na hindi man lang nya nabasa dahil hindi ko naman ibinigay. Kasama ng mga sulat ko sa kanya ay ilan sa mga sulat na ibinigay nya sa akin at ngayon alam ko na kung bakit napapaniwala nya ako na marunong syang magmahal.

Hindi tipikal ang naging relasyon namin. Siguro maganda yung naunang tatlong buwan. Masaya kami, me mga love letters pa nga eh at lagi kaming magkasama. Pero sa pang-apat na buwan, ewan ko ba naman at may sumulpot na babae para guluhin ang perpekto kong mundo. Bigla na lang syang dumating para maging kontrabida sa fairytale namin. Hay naku naman. Nagsisimula pa nga lang eh ginulo na kaagad. At sa mga sumunod na buwan, puro away na lang, puro paghihiwalay at sa tuwing babalik sya, para akong mabait na alipin na susunod ulit sa kanya. Hindi ko na matandaan kung ilang beses kaming naghiwalay at nagkabalikan. Basta ang alam ko, dalawang taon akong umiyak ng dahil sa kanya at sa bawat pag-iyak ko, naging saksi ang bawat papel na inilalagay ko sa “secret kahon”.

Hindi ko alam kung ilang sulat ba ang nagawa ko para sa kanya sa loob ng dalawang taon. Madalas ang laman lang naman ng sulat eh ang pagmamakaawa ko na balikan nya ako, na wag na nya akong iiwan o di kaya naman yung pangako ko na laging napapako, ang kakalimutan na sya at magmu-move on. Meron pa ngang mga panahon na minumura ko na sya pero sa bandang huli, sasabihin kung gaano ko sya kamahal. Nakakatawa pero ang “secret kahon” na yun ang nagtago ng lahat ng lihim ko mula sa mga magulang ko at sa mga tao na nasa mundo ko. Lahat ng galit at sama ng loob na naramdaman ko, nakakulong sa kahon na yun na walang kalaban-laban mula sa akin. Walang nakalagay na maganda dun. Madalas puro nakakalungkot at mga papel na nasayang lang dahil walang kwenta naman ang pinaglaanan.

Nung mag-aral ako dito sa Maynila, iniwan ko ang “secret kahon” sa kwarto ko at hindi na tinangka pang buksan. Pero minsan sa tuwing gusto kong balikan yung mga panahon na sya ang prinsepe ko, binubuksan ko yun upang madismaya lang dahil hindi naman nga pala maganda ang kinahantungan ng dapat eh pagmamahalan namin. Tuwing makikita ko sya, iniisip ko kung ano nga kaya ang nangyari kung hindi ako nakatakas sa pagkalulong ko sa kanya, kung patuloy ko syang minahal at sa bandang huli, mangingiti na lang ako at mas pipiliin na sumulat ng isang liham at muling itago sa “secret kahon”. Hindi na rin naman siguro dapat pang alamin kung anong pwedeng mangyari sana sa amin dahil sa katotohanan, sapat na ang minsan eh nagmahal ako ng isang kagaya nya at pinagkamalan sya na isang prinsipe. Anu man ang nangyari noon, ang “secret kahon” na lang ang makakapagsabi kung nagsisi nga ba talaga ako na dumating sya sa buhay ko dahil kung ako ang tatanungin, oo nagsisisi ako dahil dalawang taon ang nasayang ko pero kung nakakapagsalita lang ang “secret kahon”, malamang itinapon nya na sa akin ang lahat ng sulat at sinabing basahin ko ang lahat ng yon para lang mapatunayan na hanggang ngayon,umaasa ako na me kadugtong ang dalawang taon na yun.

Hindi simple na paikutin ang mundo sa isang tao at hayaang mawala ang mga bagay bagay na dapat eh nasa iyo pero minsan, kung puso natin ang papakinggan natin, marahil okay lang na may nawala sayo… kahit pa nasaktan ka lang sa pinili mo. Katangahan nga siguro pero lahat naman kasi may karapatan na gawin ang gusto nila. Ang kaibahan lang talaga ng kaso ko, mas pinili ko na lang magsinungaling sa sarili ko para naman mabuo ulit yung nasirang ako kahit pa labag sa kalooban ng “secret kahon”.

Thursday, November 12, 2009

Opening the Doors

Sa dinami dami ng problema ng tao sa Pilipinas, isa ako sa mga siraulong namomroblma sa ilalaman ko sa blog ko. Nakakatawang problema diba pero sa tingin mo, malamang me sense din naman. Madaming beses ko nang sinabi na napapagod na ako sa walang kwenta kong blogpost na hindi naman nakakatulong sa tao kaya naman naisip kong magbagong bihis at magkaroon ng makabuluhang pagbabagong anyo. Hindi ito dahil sa naisip ko na wala akong kwenta kundi dahil naintindihan ko na na gusto ko talagang magsulat at madami akong gustong isulat. If I would only be given a chance to do something that will bring fulfillment to me, that would be writing. I need not to be the best seller author in the country or the most read blog. I just need one person to understand what I am trying to say.

Ako na siguro ang pinakamagulong writer sa buong mundo. Kung tutuusin wala pa nga akong napapatunayan pero sa bandang huli, naisip ko, kung hindi ako maglalakas loob magsimula, mas lalo akong walang mapapatunayan. Wala na nga akong mapapatunayan sa ibang tao, pati sa sarili ko wala din kaya naman naisip ko na ito na ang tamang panahon para buksan ko na ang sarili ko sa lahat ng kritisismo at panlalait ng tao. I am fully aware that criticisms and unfriendly messages will only make me learn more about writing and me.

And so at this moment, I am trying to work on some novels that seem not to lead me in any direction pero hindi pa rin ako sumusuko. Bukas makalawa, madudugtungan ko din ang mga kwento ko at pag nangyari na yun, hindi man ako sisikat, atleast, me isang bagay akong nasimulan at natapos. I am no quitter pero wala akong natatapos sa buhay ko kaya naman naiintindihan ko na walang kwenta ang buhay ko kung wala akong matatpos, wala akong mapapatunayan. I have to make a move to bring myself into a better place para kahit ako man lang hindi maawa sa estado ko sa buhay.

Now, I am opening my doors for improvement. I am under construction, bear with me until I finally found my reason.

Monday, September 7, 2009

Offer

Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Hindi iisang beses ko lang pinag-isipan ang bagay na ito subalit bakit parang gusto kong kastiguhin ang sarili ko kung bakit andito ako ngayon at malayo sa aking pangarap. Pero paano ko rin naman nga kasi maabot yung pangarap ko kung hirap na hirap ako sa pagpasok sa mundong yun. At dahil batong-bato na ako sa siyudad at bored na sa ingay na ako mismo ang lumilikha, naisipan ko na umuwi muna sa probinsya habang tambak ang mga pending applications ko sa kung anu-anung trabaho na related sa mundong nais kong pasukin.

Noong kabataan ko pa, pinangarap ko na magkaroon ng mundo sa lugar na ito. Dito ko pinangarap na mabuhay habang may lakas pa ako at ipinangako sa sarili na bago ko libutin ang buong Pilipinas at ang buong mundo, aalamin ko muna ang kwento ng Tayabas, ang kwento ng Quezon sa sarili kong paraan subalit ngayon, mukhang nahalina na ako ng magagandang street lights sa Maynila at unti-unti ay nawala ang paghahangad na makilala ang bayang pinagmulan ko. Napuno ako ng kagustuhan na marating ang pwedeng hindi marating ng iba at ngayon, bigo akong bumalik at nagtatago sa apat na sulok ng silid na ito, sa lugar na minsan kong tinawag na “Haven”, paraiso at ang lugar kung saan ay binuo ko ang mga pangarap ko.

Bukod sa peace of mind, ano pa ba ang ma-i-o-offer ng lugar na ito sa akin? Ano pa nga ba ang ma-i-i-bargain ng Tayabas sa akin, sa buhay kong nakasentro sa siyudad nang Maynila, sa magulong mundo ng publication na matagal kong pinangarap?

Mahirap isipin ang sagot sa tanong ko. Hindi madaling hanapin ang kasagutan sa katanungan na halos buong buhay ko na yatang itinatanong sa sarili ko habang ang tadhana, masayang nilalaro ang pangarap ko. Oo, masaya ako sa kung saan man ako naroroon ngayon, mahal ko ang Tayabas at hindi nga ba, minsan sa buhay ko ay pinangarap ko na magiging tagapagtanggol ako ng lugar na ito habang ipinapangalandakan sa buong mundo ang buong kagandahang nalilihim sa kanila na matatagpuan nila sa bayang ito. Ngunit iba na ang sitwasyon ngayon. Nakatapos na ako ng kolehiyo at nakikidagdag sa populasyon ng mga walang trabaho sa bansang ito. Nagsikap ako ng apat na taon para makapasok sa mundong pinapangarap ko. Hindi ko na nakikita ang sarili ko na nasa bayang ito pero ang tadhana, dito pa ako binigyan ng trabaho. Trabahong hindi ko pinangarap pero gagawin ko dahil panahon na para matuto akong tumayo sa sarili kong paa at bumuo ng sarili kong buhay,

Gusto kong mainis pero wala ring patutunguhan. Anuman ang gawin ko, sa bandang huli, tatanggapin ko pa rin ang minimum wage basta lang masabi na may trabaho ako kahit nga ba nakakapagod ang maghapong pakikipagtitigan sa computer at pagbabakasakali na merong ibang pwedeng malipatan na trabaho na aangkop sa kursong natapos ko at maghahatid sa akin sa mga pangarap ko. Nakakaloko talaga ang tadhana dahil kahit ang dream job ko sa bayang ito ay hindi ko makuha. Aanhin ko pa ngayon ang award na “Most Outstanding Journalism Student Leader” kung hindi naman pala yun mahalaga sa mundong gusto kong pasukin. Naisip ko tuloy, wala ba akong natutunan sa apat na taon kong pagdadalubhasa sa pagsulat?

Nakakapagod nang habulin ang tumatakbo kong panagarap pero ayaw ko pang sumuko. Baka naman bukas o sa ibang araw swertehin ako at biglang maawa ang tadhana sa akin, matisod ako at matumba sa mundong pinapangarap ko. Desperado na ako pero hindi ako titigil at sa bandang huli, gaya ng sinabi ni Jam noong nakaraang gabi, may dahilan kung bakit dito ako nagkatrabaho at hindi sa mundong apat na taon kong niyakap. Kunsabagay, mas mahaba ang labing-isang taong pagtanggap sa akin ng Tayabas kumpara sa apat na taong pagsusumiksik ko sa Maynila. Meron pa akong pag-asa, bata pa ako at isa sa mga susunod na araw, makakapasok din ako sa mundong yun.